-- Advertisements --

Sa kabila ng pagsailalim ng ilang lugar sa Central Visayas bilang election areas of concern, pinawi ng Police Regional Office-7 ang pangamba ng publiko para sa nalalapit na Barangay at Sangguniang Kabataan Elections.

Inihayag ni Police Regional Office-7 spokesperson Plt Col Gerard Ace Pelare na wala pang dapat ikatakot at ikabahala dahil kinokonsidera lang dito ang mga nakaraang insidenteng may kinalaman sa halalan.

Tiniyak pa ni Pelare na magiging ligtas at secure ang halalan dahil may mga ipapakalat naman na tauhan ng pulisya,sandatahang lakas ng Pilipinas at Philippine coast guard sa 2,956 na voting centers ng rehiyon.

Inamin pa ni Pelare na hindi sila sigurado na walang di inaasahang pangyayari kasabay ng halalan ngunit tiniyak nito na may inihahanda silang contingency plan.

Aniya, maraming ikinokonsidera ang pulisya sa paghahanda ng security coverage lalo pa’t may mahabang bakasyon ang karamihan at posibleng dumagsa ang mga tao sa mga malls o sa mga pasyalan ngunit prayoridad pa umano nila ang eleksyon.

Samantala, muli namang iginiit ni Pelare na walang dapat ikabahala ang publiko sa pagsailalim sa Negros Oriental sa Commission on Election control dahil ito ay isang proactive measure lang.

Panawagan pa nito sa lahat na bumoto dahil nakahanda naman ang lahat ng uniformed personnel para magbigay ng seguridad.

Ibinunyag pa nito na sa darating na Oktubre 25 pa magsimula ang deployment ng security forces kung saan una nang nabanggit nito na humigit-kumulang 12,000 ang ipapakalat sa buong rehiyon.