Tiniyak ng pamunuan ng Philippine National Police (PNP) ang tulong para sa kanilang mga tauhan partikular ang mga nasa frontline na exposed sa nakamamatay na virus ang COVID-19.

Ayon kay PNP Deputy Chief for Operations at Task Force Covid Shield commander Lt Gen. Guillermo Eleazar, kalusugan ng kanilang mga tauhan ang kanilang primodial concern kaya may mga hakbang ng ipinatutupad ang liderato ng PNP para hindi mahawaan ng virus ang mga pulis na nasa frontline.

Sinabi ni Eleazar, sa direktiba ni PNP chief Gen. Archie Francisco Gamboa, pinasisiguro nito na sapat ang suporta at resources na ipamimigay sa mga pulis habang ginagampanan ang kanilang mga trabaho.

Bilang safety measure, ipinatutupad na ng PNP sa lahat ng kanilang kampo sa buong bansa ang Biosafety plan kung saan isasagawa ang decontamination procedure sa lahat ng tauhan na labas pasok sa kampo mula sa kanilang duty.