Tiniyak ng Philippine National Police (PNP) na tapat sila sa konstitusyon at hindi susuporta sa anumang panawagan para sa isang revolutionary government.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay PNP Spokesperson BGen. Bernard Banac, sinabi nito na kanilang i-uphold ang 1987 Constitution at sumunod sa legal authority.
Giit ng opisyal hindi nila suportahan ang ideya ng mga supporters ng Pangulo dahil maituturing itong unconstitutional.
Anumang hakbang para buwagin ang ating konstitusyon ay hindi papayagan ng PNP.
Una rito, ang grupong Mayor Rodrigo Roa Duterte-National Executive Coordinating Committee hinimok ang Pangulo para pangunahan ang revolutionary government at nagpadala ng imbitasyon kay PNP Chief Gen. Archie Gamboa, AFP chief Lt Gen. Gilbert Gapay at Defense Secretary Delfin Lorenzana.
Pero hindi dumalo ang mga opisyal sa nasabing pulong.
Tinuldukan na rin ni Defense Sec Delfin Lorenzana ang nasabing isyu at sinabing hindi nila susuportahan ang nasabing grupo.
Giit ni Banac, sa kabila ng panawagang revolutionary government, sinuguro ng PNP na sila ay nagkakaisa.
SAMANTALA, dahil sa kakaiba ang isinusulong ng grupong MRRD-NECC, at may kaugnayan sa konstitusyon,
Sinabi ni Banac kanilang mino monitor ngayon ang nasabing grupo pero sa sandaling may nilabag na batas ang mga ito, hindi magdadalawang isip ang PNP na ipatupad ang batas kahit kilalang mga supporters ang mga ito ni Pang. Rodrigo Duterte.
Sinabi ni Banac, walang dapat ipangamba ang publiko hinggil dito. Ang PNP ay tatalima base sa umiiral na Constitution at rule of law.
Sa ngayon hinihintay pa ng PNP ang report mula sa kanilang field units kaugnay sa isinagawang pulong ng grupo na supporters ni Pang Duterte.