Sisiyasatin ng Philippine National Police (PNP) ang lahat ng mga bagong pahayag at impormasyon kaugnay ng pagkamatay ng dalawang Ateneo basketball players na sina Divine Adili at Rene Baterbonia.
Ayon kay PNP Public Information Office OIC Police Colonel Allen Rae Co, isasama sa nagpapatuloy na imbestigasyon ang bawat impormasyong isinasapubliko o isinusumite sa mga imbestigador.
Kinumpirma rin ng National Bureau of Investigation (NBI) na sinusuri nito ang mga kumakalat na pahayag at mga bagong kaganapan online.
Nauna nang lumubas noong Sabado ang isang video ng isang babaeng nagpakilalang si Efi at sinabing asawa niya si Ateneo Blue Eagles head coach Tab Baldwin.
Ibinunyag niyang binalaan na niya noon ang Ateneo na ilayo si Baldwin sa mga menor de edad ngunit hindi umano ito pinansin ng unibersidad.
Hinimok din ni Efi ang mga Pilipino at ang pulisya na alamin kung bakit pinayagan pa rin si Baldwin sa kabila ng mga babala.
Kaugnay nito, sinabi ng PNP na hindi ito magbibigay ng anumang konklusyon habang nagpapatuloy ang patas at masusing imbestigasyon para matukoy ang buong katotohanan.
















