Inatasan ni Philippine National Police (PNP) officer-in-charge (OIC) Lt. Gen. Archie Francisco Gamboa ang lahat ng police regional directors sa mga lugar sa Mindanao na apektado ng panibagong magnitude 6.5 earthquake na bigyang prayoridad ang pagtulong sa mga biktima.

Kaugnay nito, pina-mobilize ni Gamboa ang lahat ng available units at resources ng PNP sa mga lugar na apektado ng lindol para umalalay sa relief and rescue efforts ng mga local government units at Regional Disaster Risk Reduction and Management Council.

Nanawagan naman si PNP spokesperson Pol. B/Gen. Bernard Banac sa mga mamamayan sa mga apektadong lugar na manatiling kalmado.

Tiniyak ni Banac na sa kabila ng pagkaabala ng PNP sa security preparations para sa Todos los Santos, ay makakaasa ang publiko na ang PNP ay laging handa para tiyakin ang kanilang kaligtasan sa gitna ng anumang kaganapan.

Nagpahayag ng pagtitiwala si Banac na gagabayan ng Panginoon ang buong bansa sa harap ng kasulukuyang situasyon dulot ng magkasunod na lindol.

“In the midst of Undas 2019 security coverage, we assure the public that the PNP will always be there to ensure their safety and protection in the midst of worries, anxiety and uncertainty. God is with us and He will see us through this situation,” mensahe na ipinadala ni B/Gen. Banac.