Nahaharap ngayon sa reklamong hazing ang isang police official matapos ireklamo ng dalawang bagitong pulis.

Hawak na ngayon ng National Police Commission (NAPOLCOM) ang kaso ng isang police official na inirereklamo ng hazing.

Sa report na nakarating kay Cavite Police Provincial Director S/Supt. William Segun na dalawang Police Officer 1 ang nagreklamo sa kanilang opisyal na may ranggong police superintenent dahil sa umano’y pagmamalupit.

Nangyari umano ang hazing noong Agosto 28 sa loob ng Cavite Provincial Mobile Force Company sa Camp Francisco Ferma sa lungsod ng Tagaytay.

Sa salaysay ng dalawang bagitong pulis, ipinatawag sila ng kanilang opisyal para pagpaliwanagin sa hindi nila pagsipot sa ipinatawag nitong pulong.

Pero laking gulat na lamang umano nila nang mauwi sa pisikal na pagpaparusa sa kanila.

Hinampas umano sila ng baseball bat ng police superintendent kaya’t nagtamo sila ng mga pasa at sugat.