Isinailalim na ng PNP sa full alert status ang buong puwersa ng pambansang pulisya para sa holiday season.

Batay sa memorandum circular “Paskuhan” 2019, ipinag-utos na ni PNP officer-in-charge Lt. Gen. Archie Gamboa ang pagtataas ng full alert status na epektibo mula sa alas-6:00, umaga ng Disyembre 15 hanggang alas-6:00, umaga ng Enero 5, 2020.

Nasa kabuuang 69,000 mahigit na mga pulis, katuwang ang halos 160,000 force multipliers, ang magpapatupad ng Enhanced Managing Police Operations (E-MPO) Strategy ng PNP para sa mas mahigpit na security operations.

Mamanduhan din ng mga pulis ang mga community firecracker zones, assistance hubs, simbahan, malls, road safety points, pantalan, istasyon ng tren at paliparan.

Paiigtingin din ang police visibility at patrol operations para matiyak ang kaligtasan ng mga dadalo sa tradisyunal na Simbang Gabi o Misa de Gallo simula sa Lunes o Disyembre 16.