Nakatanggap ang Philippine National Police (PNP) ng P10 million mula sa isang mambabatas para lansagin ang mga notorious criminal syndicate sa bansa.
Ayon kay Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co na siyang naggawad ng naturang halaga sa pambansang pulisya, naghahasik ng takot ang Conception Criminal Group sa Bicol region at iba pang mga lugar sa bansa sa mahabang panahon.
Sinabi din ng mambabatas na ang monetary reward ay bilang pagkilala sa katapangan at sakripisyo ng mga opisyal ng PNP na sumusuong sa panganib para protektahan ang publiko.
Aniya, ang pag-nutralisa sa naturang gang ay isang mahalagang tagumpay kayat nangako itong magbibigay ng 10 million mula mismo sa kaniyang sariling bulsa para madakip ang mga criminal at terrorist group.
Sangkot kasi ang naturang organized crime group sa gun-for-hire operations, extortion, robbery at gun running.
Ang lider ng Conception Criminal Group ay si Gilbert Conception o mas kilala sa tawag na “bert” o ‘pogi” na napatay noong Enero 24 sa nangyaring shootout sa pagitan nila ng kapulisan sa Parañaque City.
Kabilang din si Conception sa listahan ng most wanted person person sa Bicol na may patong sa ulo na P420,000.