Tiniyak ni PNP chief Gen. Guillermo Eleazar na handa na ang PNP para sa pagpapatupad simula bukas ng granular lockdown at alert level system sa Metro Manila.

Ayon sa PNP vhief, inatasan na niya ang NCRPO na mahigpit na makipag-coordinate sa mga LGU sa Metro Manila para sa kanilang mga pangangailangan sa pagpapatupad ng mga bagong patakaran.

Tutulong din aniya ang mga pulis sa mga barangay sa pagpapatupad ng pina-ikling curfew hours.

Una naring binilinan ni Eleazar ang mga pulis sa Metro Manila na pag-aralang mabuti ang mga bagong alituntunin upang maiwasan ang hindi pagkakaintindihan sa pagpapatupad nila ng mga ito.

Kasabay nito, muling nanawagan si Eleazar sa publiko na makiisa at sumunod hindi lamang sa curfew hours kung hindi sa lahat ng mga patakarang ipatutupad sa ilalim ng alert level system at granular lockdown upang makatulong sa pagkontrol ng pandemya.