Nagsasagawa na ng case build-up ang Philippine National Police (PNP) para sa mga indibidwal na naging daan para makakuha ng baril ang dalawang minor (estudyante) at tuluyang makapamaril sa loob ng eskwelahan.
Ayon kay PNP chief, Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. pinapahigpitan niya sa pulisya ang pagbuo ng matibay at solidong kaso laban sa mga responsableng indibidwal.
Kinabibilangan ito ng babaeng pulis na unang napaulat na nagmamay-ari sa 9mm pistol na ginamit ng kaniyang 14-anyos na pamangkin na isa sa mga suspek.
Kabilang din dito ang pagkakasangkot ng security agency kung saan naka-rehistro ang cal .38 revolver na ginamit sa pamamaril.
Ayon sa heneral, lahat ng mga indibidwal na nagpabaya o may kapabayaan sa tuluyang pagkuha ng mga minor sa dalawang baril ay isasama sa imbestigasyon at sasampahan ng kaso.
Ang mga ito ay maliban pa sa dalawang minor na pangunahing suspek.
Kasama rin sa mga inaaral ng pulisya ang legal na pananagutan at ang posibleng asunto na ihahain laban sa magulang ng mga suspek at ng kanilang mga guardian.
















