Reading Time: 1 minute

KORONADAL CITY – May sinunsundan na umanong person of interest ang PNP sa pagpatay sa anchorman na si Eduardo “Ed” Dizon.

Ayon kay P/Lt. Col. Ma. Joyce Birrey, hepe ng Kidapawan City PNP, tatlong mga CCTV Footages ang patuloy nilang pinag-aaralan para sa agarang pagresolba sa pagpatay sa anchorman ng Brigada News FM Kidapawan City.

Iniimbestigahan na rin nila ang naging laman ng blotter report na may banta sa buhay ni Dizon noong Hulyo 3.

Dagdag pa ng opisyal, ang PNP-Special Investigation Task Group na pangungunahan ng provincial PNP ang siyang tututok sa malalimang pagsisiyat.

Samantala, nitong Sabado ng umaga naman binisita ni Usec. Joel Sy Egco ng Presidential Task Force on Media Security ang burol ni Dizon.

Nakipag-ugnayan din si Egco sa PNP upang malaman ang estado ng imbestigasyon.

Matatandaang pinagbabaril ng riding in tandem suspects si Dizon habang pauwi ito kung saan nagtamo ng mga tama ng bala sa kanyang katawan na naging dahilan ng kanyang pagkamatay.