ILOILO CITY – Iniimbestigahan na ng Philippine National Police ang tatlong stray bullet incident sa lalawigan ng Iloilo kaugnay sa pagsalubong sa bagong taon.

Napag-alaman na ang unang stray bullet incident ay naitala sa Ajuy, Iloilo kung saan nakaligtas ang anim na taong gulang na bata samantala, naitala ang ikalawang stray bullet incident sa Pavia, Iloilo kung saan maswerteng hindi tinamaan ang mag-ina.

Kinumpirma naman ng otoridad na mayroong stray bullet incident sa Sta. Barbara, Iloilo at wala ring tinamaan sa insidente.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo kay Iloilo Police Provincial Office Director Police Col. Roland Vilela, sinabi nito na hindi tinatago ng otoridad ang impormasyon hinggil sa stray bullet incident.

Ayon kay Vilela, kahit na tapos na ang New Year celebration, patuloy pa rin ang imbestigasyon upang malaman kung sino ang salarin sa insidente.