Inamin sa Star FM Cebu ni PBrig. Gen. Arnold Thomas Ibay, regional director ng Police Regional Office Negros Island Region, na wala silang na-monitor na anumang galaw mula sa Teves group sa Negros Oriental.
Ginawa nito ang paglilinaw kasunod na rin ng pagkaaresto at pagdala pabalik sa bansa ni dating Rep. Arnie Teves. Jr. dahil sa mga kasong kinakaharap.
Sa maikling pahayag, sinabi ni Ibay na patuloy naman ang kanilang monitoring at hindi sila nagko-kumpiyansa.
“Wala naman po, wala naman kaming na monitor na ganyan. So far, wala naman pong information galing sa intel natin,” saad pa ni Ibay.
Una nang sinabi ni Ibay na wala na silang private armed groups na natukoy nitong nakaraang May 12, 2025 Midterm Elections.
Dagdag pa niya, hindi na sila nagdagdag pa ng pulis sa third district ng Negros Oriental dahil sa panatag na sitwasyon.
Ibinahagi pa nito na kahit tahimik, nagtalaga pa rin sila ng Quick Reaction Forces (QRF), katuwang ang militar sa mga estratehikong lugar upang agad na tumugon sa anumang posibleng isyu sa seguridad.
Sa ngayon, nananatiling payapa ang lalawigan, base sa pagsubaybay ng lokal na awtoridad sa lugar.