Ibinahagi ni Philippine National Police (PNP) Chief Gen. Debold Sinas ang malalim na kwento ukol sa kaniyang paboritong theme song ng 1970’s cartoon series na “Voltes V.”

Ang naturang tugtog pa rin kasi ang ginagamit ni Sinas para sa kanilang fitness routine, hindi lamang sa kaniyang opisina, kundi maging sa iba pang sangay ng pambansang pulisya.

Sa exclusive interview ng Bombo Radyo, sinabi ni Sinas na maliban sa masigla ang official sound track ng Voltes V, maganda rin ang mensahe ng lumang cartoon series.

Partikular na aniya ang mga katagang “let’s volt-in” na angkop para sa pagkakaisa.

Kwento pa ng heneral, noong bata pa siya ay inaabangan na nito palagi ang Voltes V.

Pero dahil payak lang ang pamumuhay, nangangapit-bahay pa siya para lang masubaybayan ang naturang cartoon series.

Kaya nang maging opisyal na umano si Sinas sa PNP, at nagkaroon na rin ng mobile applications para mapanood kahit ang mga lumang palabas, saka lang niya ito nai-download para at natunghayan ang ilang na-miss na parte ng palabas.