tarlac1

Personal na nagtungo si PNP chief Gen. Debold Sinas sa lamay ng mag-inang binaril at napatay ng pulis na si MSgt. Jonel Nuezca sa Purok 2, Brgy. Cabayaoasan, Paniqui, Tarlac, na siya ring lugar na pinangyarihan ng krimen.

Personal na ipinaabot ni Sinas ang kanyang pakikiramay kay Florentino Gregorio, ang padre de pamilya ng mga biktimang sina Sonya at Frank Anthony Gregorio.

Nag-abot din ng tulong pinansyal ang PNP chief sa pamilya kasabay ng pangakong magkakaroon ng mabilis at makatarungang aksyon sa double murder case na kinakaharap ng salaring ni Nuezca.

Siniguro ni Sinas na bibigyan ng PNP ng sapat na proteksiyon ang pamilya at ang sinumang tetestigo sa kriminal na kaso laban kay Nuezca.

Una na ring sinabi ni PNP Inspector General Alfegar Triambulo na sisikapin ng Internal Affairs Service (IAS) na tapusin ang dismissal proceedings sa administratibong kaso laban kay Nuezca sa loob ng isang buwan upang matanggal na ito sa serbisyo.