Trabaho umano ng mga pulis na ipatupad ang batas lalo na ang pag-isyu ng mga warrants mula sa korte.

Ito ang binigyang-diin ni PNP chief Gen. Debold Sinas.

Ayon kay Sinas, magkaiba ang trabaho ng pulis at ng judiciary at kung may nakuha silang impormasyon at anumang paglabag ay saka sila mag apply ng search warrant para sa isang indibidwal.

Ang pahayag ni Sinas ay bunsod sa pahayag ng Makabayan bloc at House of Representatives na hinihiling na paimbestigahan ang search warrants na inisyu ng Quezon City trial court judge na nagresulta sa pag-aresto sa pitong umano’y lider ng communist leaders sa isinagawang operasyon ng CIDG.

Giit ni Sinas wala naman problema kung paiimbestigahan ng Makabayan bloc ang operasyon ng CIDG.

Magugunita na noong Lunes, pitong indibidwal ang inaresto ng CIDG sa magkakahiwalay na operasyon kung saan naaresto sina Marc Ryan Cruz, Romina Raisell Astudillo, Jaymie Gregorio, Denisse Velaco, Joel Demate, Rodrigo Esparago at isang Lady Anne Salem.

Ayon naman kay CIDG chief Maj. Gen. Joel Napoleon Coronel, ang pitong nahuling suspeks ay mga opisyal umano ng Metro Manila Regional Party Committe of the Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front.

Nanindigan si Coronel na legal ang kanilang operasyon.

Samantala, siniguro naman ni PNP chief na nakaalerto ang buong pwersa ng PNP sa posibleng pagsalakay ng komunistang NPA ngayong holiday season.

Una nang inihayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na hindi magdideklara ng suspension of military operation ang gobyerno laban sa communist terrorists.