Todo depensa si PNP Chief DGen. Ronald Dela Rosa sa pagbabalik sa war on drugs ni S/Supt. Albert Ignatius Ferro na katatalaga lamang bilang director ng PNP Drug Enforcement Group (PDEG).

Si Ferro ang dating hepe ng PNP Anti-illegal Drugs Group (AIDG) na binuwag matapos na masangkot ang ilang tiwaling tauhan ng unit sa pagpatay sa negosyanteng Koreano na si Jee Ick Joo.

Ayon kay Dela Rosa, si Ferro ay unang ni-relieve sa kanyang pwesto sa AIDG upang bigyang daan ang isang patas na imbestigasyon kung saan napatunayan na wala itong kinalaman sa Jee Ick Joo case at nagkataon lang umano na mga tauhan niya ang involved sa naturang krimen.

Pagmamalaki pa ni Dela Rosa na naging instrumental pa umano si Ferro sa paglutas ng kaso dahil siya pa ang nagdala sa isa sa mga suspek sa Anti-Kidnapping Group upang isiwalat lahat ng nalalaman nito sa kaso.

Bukod dito, sinabi ng opisyal na malaki pa ang pwedeng ma-iambag ni Ferro sa kampanya kontra droga dahil sa kanyang mga established contacts sa mga foreign anti-drug agencies tulad sa China at sa Estados Unidos.

Matagal aniyang dine-develop ang mga contacts na ito, at dahil kilala na nila si Ferro, mas madali na ang koordinasyon ng PNP sa mga foreign anti-drug agencies.

Binigyang-diin naman ng PNP chief na buo ang kanyang tiwala kay Ferro na isang “highly-competent official” na minalas lang noon.