Hindi isinasantabi ni Philippine National Police chief Police General Rodolfo Azurin Jr. ang posibilidad ng foul play sa biglaang pagkamatay ng inmate na si Crisanto Villamor sa New Bilibid Prison na itinuturing na middleman sa pagpatay sa mamamahayag na si Percy Lapid.
Ayon sa PNP chief, ang timing ng pagkamatay ni Villamor habang nagpapatuloy ang imbestigasyon sa pagpatay sa mamamahayag ay kwestiyonable at isang unfortunate incident.
Kinuwestyon din ng PNP chief ang una ng napaulat na namatay umano si Villamor habang natutulog ito sa katanghaliang tapat.
Paliwanag ni Azurin na sa kaniyang pagbisita sa Bilibid nang siya pa ay police captain imposible aniya para sa isang deprived of liberty (PDLs) na matulog nang tanghali sa piitan dahil ito ay congested.
Ikinokonsidera din ni Azurin ang posibilidad na may isang indibidwal mula sa Bilibid ang pumatay sa middleman.
Una rito, base sa initial findings sinabi ng Bureau of Corrections na walang nakitang bakas ng physical injuries sa katawan ni Villamor.
Samantala, nilinaw naman ni Azurin na hindi inirerekomenda ng PNP si Escorial na maging state witness sa kaso at ilagay sa Witness Protection program.
Ang Department of Justice na aniya ang magdedesisyon kung iallagay si escorial sa Witness protection program at ang PNP ang gagawa ng rekomendasyon hinggil sa naturang usapin.