ILOILO CITY – Nakahanda na ang Police Regional Office 6 at Philippine Army sa posibleng pag-atake ng New People’s Army sa pagdiriwang ng ika-51 na anibersaryo ng Communist Party of the Philippines na gaganapin sa Desyembre 26.

Ayon kay Captain Cenon Pancito III, tagapagsalita ng 3rd Infantry Division ng Philippine Army, patuloy ang kanilang isinasagawa pursuit operations laban sa mga rebelde.

Maliban dito, mas pinalakas rin nila ang depensa at pwersa ng militar sa kampo.

Ayon naman kay Pol Lt Col Joem Malong, tagapagsalita ng PRO 6 maliban sa pagbabantay sa mga lugar na may presensya ng rebelde, mas pinalakas rin ng kapulisan ang pagkakalap ng impormasyon sa kinaroroonan ng mga rebeldeng grupo.

Dagdag pa ni Malong, may mga pulis ring naka deploy sa mga convergence areas katulad ng mga simbahan at plaza.

Nanawagan naman ang pwersa ng kapulisan at militar sa publiko na makipagtulungan sa kanila at magpaabot ng impormasyon kung may namataang kahina-hinalang personalidad sa kanilang lugar.