CDO CONG RUFUS RODRIGUEZ
Cagayan de Oro 2nd District Rep. Rufus Rodriguez
-- Advertisements --


Sinita ni House Deputy Speaker Rufus Rodriguez ang kabagalan ng National Task Force (NTF) Against COVID-19 sa paglalagda sa multi-party agreement (MPA) sa pagbili ng mga bakuna kontra naturang respiratory disease.

Sa pagdinig ng House committee on economic affairs, sinabi ni Rodriguez na tila umaakmang diyos ang national government sa hindi paglalagda sa application ng mga local government units para sa MPA.

Ayon kay NTF chair Sec. Carlito Galvez Jr., kaya hindi nila nilalagdaan ang MPA application ng mga LGUs pati na rin ng mga private entities dahil sa problema sa supply at presyo sa global market bukod pa sa ban sa ngayon sa shipment ng mga bakuna mula India.

Kailangan din aniya na mayrooong nakatakda na ring petsa para sa delivery ng mga bakuna salig sa itinatakda ng COVID-19 Vaccination Program Act of 2021, para hindi rin masita ng Commission on Audit.

Pero iginiit ni Rodriguez na malinaw sa naturang batas na dapat tanggapin at pirmahan ng NTF ang MPA application sa lalong madaling panahon.

-- Advertisement --

Ang papel aniya ng national government pagkatapos na mapirmahan ang naturang dokumento ay tulungan ang mga aplikante na LGUs at private entities sa negosasyon pagdating naman sa magandang presyo.


Sa mga kaganapan na ito, sinabi ni Rodriguez na maraming oras na ang nawala, bagay na hindi sana nangyari kung inasikaso lang sana ng NTF ang mga MPA applications sa panahon na makarating ito sa kanilang opisina.

Gayunman, sa ngayon, sinabi ni Galvez na hindi na interesado ang ilang manufacturers na pumasok sa MPAs.

Una rito, sinabi ni Ilocos Sur Governor Ryan Singson na hirap silang kumilos sa ngayon dahil nakabinbin pa rin sa NTF ang kanilang MPA application.

Umaasa pa rin aniya sila sa limitadong alokasyon ng bakuna na natatanggap mula sa national government sa harap ng surge na kanilang nararanasan.