-- Advertisements --

Pag-aaralan ng Commission on Elections (Comelec) ang planong pag-transmit ng Mababang kapulungan ng Kongreso sa Resolution of Both Houses No. 7 ng direkta sa poll body.

Ayon kay Comelec chairman George Erwin Garcia, seryosong pag-aaralan ng poll body ang kaukulang aksiyon na gagawin sakaling ito ay mangyari.

Kabilang din sa kanilang pag-aaralan ay kung aantayin pa na maipasa ng Mataas na Kapulungan ng Kongreso ang counterpart ng RBH 7 na Resolution of Both House No. 6. na naglalayong magkaroon ng constitutional reforms sa Article 12, 14 at 16 para matugunan ang mga restriksiyon sa foreign ownership sa public utilities, educational institutions at advertising industry.

Una ng sinabi ni Majority Leader Zamboanga City 2nd District Rep. Mannix Dalipe na justified ang pag-transmit ng nasabing Resolution sa poll body dahil wala aniyang tanggapan na awtorisadong tumanggap at magdesisyon sa RBH 7 ng Kamara at RBH No. 6 ng Senado maliban sa Comelec.