Reading Time: 1 minute
BMF BOMBO MUSIC FESTIVAL

BUTUAN CITY – Abot hanggang langit ang pasasalamat ng isang overseas Filipino worker (OFW) composer na nakabase ngayon sa Amerika dahil birthday gift umano ng Maykapal sa kanya ang pagsagot sa panalangin na makapasok sa 12 finalists ng 3rd National Bombo Music Festival 2020 ang kanyang entry na “Mahirap Gumawa ng Kanta.”

Ayon kay Edwin Dimaculangan na nakabase sa West Corina, California, United States of America, ang kanyang komposisyon na ‘di matapos-tapos ang hinugutan niya ng ideya sa awiting partially hango sa kanyang tunay na buhay.

Inamin ni Edwin na mahirap gumawa ng kanta lalo na kung may problema, naguguluhan at iniwanan pa ng minamahal.

Sa ngayon inaayos na ng composer ang napipinto nitong pag-uwi kung saan ngayon pa lang ay magsusumite na siya ng leave of absence sa kanyang trabaho at magpapa-book ng plane ticket para sa grand performance night sa Enero 2020 sa Iloilo City.