Nadagdagan pa ang kabuuang bilang ng mga Pilipinong sugatan sa naganap na pagsabog sa Beirut, Lebanon ayon sa Department of Foreign Affairs.

Sa ngayon ay nasa 47 overseas Filipino workers (OFWs) na ang nakumpirma ng ahensya na nadamay sa malagim na trahedyang yumanig sa kabisera ng Lebanon.

Kasalukuyan na ring pinoproseso ng DFA ang pagkakakilanlan ng ika-apat na Pinoy na namatay sa nasabing pagsabog. Ayon sa ahensya, posibleng iligal ang pagpunta ng biktima sa bansa kaya’t walang makitang dokumento tungkol dito.

Habang ang tatlo pang nasawi ay mula naman sa Zamboanga Del Sur, Isabela, at Guimaras.

Sa pamamagitan ng isang chartered plane, ay uuwi na sa bansa ang nasa 400 OFWs mula Beirut kung saan isasabay na rito ang labi ng apat na nasawi. Isasagawa naman ang ikalawang repatriation sa August 20, sakay ang mga Filipino seafarers na unang napabalitang nawawala.

Sinigurado naman ni Labor Secretary Silvestre Bello III na lahat ng Pilipinong nadamay sa pagsabog ay kaagad nakatanggap ng medical attention.

Bukod sa mga nabanggit na bilang ng sugatan at namatay ay wala nang iba pang Pilipino na nadamay dahil daw ito sa mababang employment rate sa Lebanon.

Nitong mga nagdaang buwan ay naging maingay ang kaguluhang nagaganap sa nasabing bansa dahil sa isyu ng korapsyon sa mga Lebanese officials kung kaya’t karamihan daw ng mga Pinoy ay takot nang magtrabaho sa Lebanon dahil sa takot na madamay sa kaguluhan.

Dagdag pa ng Labor Secretary na makatatanggap ng karagdagang $15,000 o halos P750,000 ang pamilya ng apat na nasawi sa pagsabog.