Reading Time: 1 minute

Pumalag si Agriculture Sec. Manny Piñol matapos akusahang tinakot ng pamahalaan ang mga mangingisda para baliktarin ng mga ito ang kanilang pahayag ukol sa nakaraang insidente kasama ang Chinese fishing vessel sa Recto Bank, bahagi ng West Philippine Sea.

Sa isang panayam iginiit ni Piñol na hindi pinressure ng gobyerno ang 22 crew ng F/B GemVer 1 para lang maging pabor sa administrasyon ang kanilang pahayag.

Hindi raw ito patas para sa pamahalaan na nais gumawa ng solusyon sa nangyaring insidente.

Kung maaalala, iginiit noon ng kapitan ng bangka na si Junel Insigne na sinadya ng dayuhang barko na banggain ang sasakyang pandagat.

Pero nitong Miyerkules nang sabihin ni Piñol na hindi raw siguardo si Insigne kung sinadya ng Chinese vessel ang pagbangga dahil ang cook lang ng kanilang bangka ang gising nang mangyari ang insidente.

“Medyo naguguluhan po ako eh… Parang binangga parang hindi rin po. Bukod sa sobrang sama ng loob ko po talaga dahil iniwan po kami,” ani Insigne.

“Humihingi po ako ng paumanhin sa ating mahal na Presidente na hindi po pala ako pinatawag nya kundi si Sec. Piñol ang nagpatawag sa akin. Hindi po ako tumuloy, umatras po ako dahil masama ang pakiramdam ko,” dagdag pa nito nang hindi matuloy sa pulong sana nilani Pangulong Rodrigo Duterte kamakailan.