LEGAZPI CITY – Muling umapela ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) sa mga kababayan na huwag nakawin o sirain ang mga gamit na tumutulong sa pagbabantay sa mga aktibidad ng Bulkang Mayon.

Dalawa kasi sa tatlong 150-watt solar panel ng Mayon Resthouse station sa Tabaco City ang ninakaw na natuklasan sa inspeksyon ng PHIVOLCS personnel kahapon, Pebrero 5.

Paliwanag ni PHIVOLCS Director Renato Solidum sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Legazpi, walang mai-transmit na data sa ngayon ang monitoring station mula sa volcanic quakes, Global Positioning Sytem, at tiltmeter na nagbabantay sa mga pamamaga.

Malaki aniya ang ginagampanang papel ng mga instrumento sa pinakamataas na monitoring station ng Mayon at nagsisilbing sensor sa main crater lalo pa’t namataan ang crater glow sa mga nakalipas na araw.

Sa ngayon, umaasa ang PHIVOLCS sa iba pang monitoring station ng Mayon sa pagbabantay sa lagay ng bulkan.

-- Advertisement --

Nakikipag-ugnayan na rin sa kapulisan ang PHIVOLCS upang matukoy ang nasa likod ng pagkawala ng dalawang power supply.