shooting rifle

Tinamaan ni Capt. Ditto Nestor Dinopol ang silver medal sa 25m Benchrest Heavy Varmint ng 30th Southeast Asian Games na idinaos sa Rudiardo Brown Marine Barracks sa Taguig City.

Nakakopo ng 746-32X points si Dinopol sa loob ng tatlong rounds para pagitnaan ang pambato ng Indonesia na sina gold medalist Fafan Khoirul Anwar (747-36X) at bronze medalist Anung Satrio Wibowo (742-30X).

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Dinopol na nakatulong sa kanyang performance ang magandang lagay ng panahon.

Nauna nang sinuspinde ang kompetisyon noong Disyembre 3 dahil sa malakas na hangin at pag-ulan dulot ng bagyong Tisoy.

Si Dinopol ay piloto ng isang airline company sa bansa.

Nitong Agosto lang, nakasungkit siya ng tig-dalawang gold at silver medals sa 43rd Southeast Asia Shooting Championship sa Jakarta, Indonesia.