Iginiit ng Department of Health (DOH) na magkaiba ang mga infectious diseases monkeypox at COVID-19.
Ito ang dahilan kung bakit hindi nakikita ngayon ng kagawaran ang anumang posibleng pagpapatupad ng pagsasara ng border ng Pilipinas dahil dito.
Sa isang pahayag ay muling ipinaliwanag ni Health Undersecretary at officer-in-charge Maria Rosario Vergeire na nakukuha ang monkeypox sa pamamagitan ng close skin-to-skin contact sa isang infected na indibidwal.
Hindi aniya ito tulad ng COVID-19 na maaaring makahawa sa iba sa pamamagitan ng aerosolized droplets.
Dahil dito ay muling binigyang-diin ni Vergeire ang kahalagahan ng pagbabalanse ng pamahalaan sa kalusugan at ekonomiya ng bansa dahilan kung bakit hindi maaaring padalus-dalos na isara ang borders ng Pilipinas dahil sa posibleng maging epekto nito sa ating ekonomiya.
Samantala, tiniyak naman ng opisyal ang publiko na sa kabila ng mga banta sa kalusugan na ito ay nananatili pa rin na umiiral ang effective surveillance system at preventive measures ng bansa laban dito.
Tuluy-tuloy din ang kaniyang paghimok sa taumbayan na patuloy lamang na sumunod sa mga ipinatutupad na health and safety protocols at gayundin ang paalalang palaging maging mapagmatyag sa pagsunod naman sa mga preventive measures na itinakda ng pamahalaan upang maiwasan ang panganib na dala ng sakit na monkeypox.