Phoenix Pulse
Phoenix file photo/ PBA image

Muntik nang masayang ang malaking kalamangan ng Phoenix sa unang bahagi ng laro bago tuluyang naigupo ang Ginebra sa huli, 103-101, sa laro na ginanap nitong gabi ng Sabado sa Smart Araneta.

Sumandal ang Fuel Masters sa heroics ni Mathew Wright sa huling sandali upang pigilan ang buwelta ng Gins.

Tumipon ng 9 points si Wright sa fourth quarter at ang pinakamahalaga ay nang maipasok ang baseline jumper habang six seconds na lang ang nalalabi sa game.

May tiyansa pa sanang maagaw ng Ginebra ang panalo pero sumablay ang game-wining attempt ni Justin Brownlee.

Bago ito sa first half pa lamang ay umabot na sa 23 ang abanse ng Phoenix.

Pero unti-unti itong nahabol ng Gins.

Gayunman tuwing nakaamba ang Ginebra sa kanilang rally sa pangunguna ni LA Tenorio, nakaharang naman para sa sagot na puntos si Wright na may kabuuang limang triples mula sa siyam na pagtatangka.

Nagtapos si Wright sa 28 points.

Todo kayod din ang ginawa ng kanilang import na si Eugene Phelps na may triple-double gamit ang 27 points, 23 rebounds at 11 assists upang iposte ang unang panalo sa tatlong game sa nagpapatuloy na PBA Governor’s Cup.