Sisiguruhin umano ng pamahalaan na patuloy ang nilang sisiguruhin na mayroong sapat at stable food supply para mapababa ang presyo ng isda, gulay at pork products kasunod na rin ng pagbilis ng inflation ngayong quarter ng taon.
Ayon kay National Economic and Development Authority (NEDA) Socioeconomic Planning Secretary Karl Kendrick Chua, patuloy umano ang gagawing adjustment ng pamahalaan para mapalakas ang polisiya at masigurong magkakaroon ng access ang mga tao sa abot kayang bilihin sa kalagitnaan ng Coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.
Makakatulong umano rito ang pagpapanatiling available at affordable ang pagbiyahe ng mga produkto habang mahigpit pa rin namang susundin ang minimum health standards.
Malaki umano itong bagay lalo na rin sa pag-facilitate sa galaw ng tao, goods at services.
Lahat daw ng ito ay makakatulong sa ating mga kababayan at magkaroon ng kita at mapanatiling stable ang presyo ng mga bilihin.
Una rito, iniulat ni Philippine Statistics Authority (PSA) chief at National Statistician Dennis Mapa na pangunahing dahilan ng 4.9 percent inflation ngayong Agosto ang pagkain at non-alcoholic beverages, housing, tubig at fuel, pati na ang transportasyon.
Ang bagong inflation record ay maituturing na pinakamabilis para sa taong 2021.
Nabatid na noong Hulyo ay 4.0 percent lamang ito, habang 2.4 percent naman noong Agosto ng taong 2020.
Naniniwala ang mga eksperto na ang pagtaas ng kaso ng covid at ipinatupad na mga lockdown ang nagpalala ng pagmahal ng mga bilihin.