Batangas Taal
-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Pinaghahanda subalit nilinaw ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) na walang dagdag na rekomendasyon sa ngayon ukol sa paglikas ng mga residente na nasa labas ng Taal Volcano Island.

Kasunod ito ng inilabas na advisory sa pagtaas ng alerto sa bulkan patungong Alert Level 2 o increasing unrest na nangangahulugan ng tumataas na mga aktibidad.

Ayon kay PHIVOLCS Director Usec. Renato Solidum sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, mas maigi nang magbantay sa mga abiso at maghanda ang mga lokal na pamahalaan.

Sa kasalukuyang alert level, paliwanag ni Solidum na posibleng humantong sa pagputok o hindi, ang patuloy na pagkaligalig ng bulkan kaya’t nararapat lamang na maghanda.

Kabilang pa sa pinag-aaralan ng Phivolcs sa mga aktibidad ng Taal ang tuloy-tuloy na volcanic tremors, babaw, dami at bilis ng mga lindol, pamamaga ng bulkan at ilan pang pagbabago.

-- Advertisement --

Naghuhudyat ang mga naturang parametro sa posibleng gas o magma na umaakyat at nagpapakulo ng tubig sa bulkan.

Mahigpit rin ang pagbabawal sa pagpasok sa Permanent Danger Zone o Taal Volcano Island bilang pag-iingat sa peligrong hatid ng Bulkang Taal.