Kinumpirma ni Police Regional Office-4A CALABARZON (Cavite-Laguna-Batangas-Rizal-Quezon) regional police director B/Gen. Vicente Danao Jr., na kanila ng sinampahan ng patong-patong na kaso partikular ang isang opisyal ng Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee (PHISGOC).

Ito’y matapos umanong pagmumurahin ang mga pulis na nagbabantay sa isang football venue ng South East Asian (SEA) Games sa nasabing lungsod.

Sinabi ni Danao, hindi ito ang unang beses na paninigaw ng nasabing PHISGOC official na si Mark Nikolai Villamora kaya hindi na nakapagtimpi pa ang mga pulis.

Kasong unjust vexation at dalawang bilang ng oral defamation ang isinampa ng Philippine National Police (PNP) sa Binan City Prosecutors Office laban kay Villamora.

Ayon kay Danao, nangyari ang unang insidente noong November 25 nang dumating sa football stadium si Villamora kasama ang tinatayang nasa 80 kabataan na walang ID (identification card).

Pilit umanong pinapapasok ni Villamora ang mga kabataang walang ID sa venue at nagpapakilala itong volunteer ng komite, bagay na labag sa panuntunang sinusunod ng mga pulis dahil na rin sa security concerns.

Nang manindigan ang pulisya na ‘wag papasukin sa venue ang grupo ng mga kabataan kasama si Villamora, dalawang beses daw nitong sinigawan at minura ang mga otoridad sabay giit ng kapangyarihan nito bilang in-charge sa sporting event.

Naulit ang insidente noong November 29 nang harangin at palayasin naman ni Villamora ang mga pulis na nagsasagawa lamang ng inspeksyon sa mga pumapasok sa parehong lugar.

Para hindi na mapahiya ang mga pulis na nagbabantay lang sa lugar, inimbitahan nila si Villamora na magtungo sa Security Control Area subalit pilit na tumanggi ito.

Dito na nagpasya ang pulisya sa pamumuno ng BiƱan PNP na sampahan ng kaso ang opisyal.