-- Advertisements --
pnp chief azurin

Nagpahayag ng kahandaan na magpaabot ng seguridad sa lahat ng mga mamamahayag sa bansa ang Philippine National Police.

Sa gitna ito ng nagpapatuloy pa rin na imbestigasyon ng pulisya sa pamamaslang sa mga beteranong mamamahayag na si Percival Mabasa o mas kilala bilang si Percy Lapid.

Sa isang pahayag ay sinabi ni PNP chief PGen. Rodolfo Azurin Jr. ang kagustuhang makipagdayalogo sa mga miyembro ng media upang malaman kung sinu-sino sa mga ito ay mayroong threat o banta sa buhay.

Aniya, layunin nito na agad na makapagbigay ng tiyak na seguridad at kaligtasan sa mga mamamahayag at gayundin ang agarang aksyon o imbestigasyon sa sinumang mga personalidad na kanilang nakakabangga nang dahil sa kanilang pagtupad sa kanilang tungkulin.

Kasabay nito ay hinimok din ni Gen. Azurin ang lahat ng media personnel na huwag mag alinlangan at agad na dumulog sa kanila sa oras na makaramdam ang mga ito ng banta sa kanilang buhay.

Samantala, sa ngayon nagpapatuloy pa rin ang pagkalap ng impormasyon at dagdag na ebidensya ng buong hanay ng pulisya para sa imbestigasyon nito sa kaso ni Lapid.

Kung maaalala, itinaas na rin sa P6.5-M ang halaga ng reward money para sa makakapagturo o makapagbibigay ng pagkakakilanlan ng person of interest na tinukoy ng mga pulis na siyang pinaniniwalaan din na gunman ng biktima.

Kasabay nito ay naglabas na rin ng bago at mas malinaw na larawan ng nasabing suspek ang National Capital Region Police Office.