Hinimok ni Quezon City Rep. Precious Castelo ang PhilHealth na humingi ng pera sa Kongreso kung kinukulang na ito ng pondo para sa COVID-19 cases.

Sa isang statement, binigyan diin ni Castelo na mahalagang mayroong sapat na pondo ang health insurance program ng gobyerno para sa hospitalization at treatment ng mga COVID-19 patients.

Ang kailangan lamang aniyang gawin ng PhilHealth ay itala kung magkano ang kakailanganin nito para sa ngayong taon at magsumite ng request sa Kongreso para sa karagdagang pondo na kailangan ng ahensya.

Nabatid na ngayong taon P71.3 billion subsidy ang inilaan ng lehislatura para sa PhilHealth ngayong taon.

“While we appreciate Philhealth’s prudence in managing its funds, it should assist to the fullest extent all patients hospitalized for Covid-19 symptoms,” ani Castelo.

Ayon sa kongresista, may reklamo ang ilang pasyenteng kakalabas lang ng ospital na kakaunti lamang sa kanilang bills ang sinagot ng PhilHealth.

Kaya naman hinimok din nito ang PhilHealth na paalalahanan ang mga ospital hinggil sa cost limits para sa COVID-19 cases.

Nabatid na para sa mild pneumonia, P43,997 ang sagot ng PhilHealhth; P143,267 para sa moderate pneumonia, P333,519 para sa severe pneumonia, at P786,384 para naman sa critical pneumonia na malapit nang maging Covid-19.