-- Advertisements --
image 215

Walang gagastusin ni kahit isang kusing ang Pilipinas sakali man na matuloy ang pagtanggap ng mga Afghan nationals dito sa bansa.

Ito ang paglilinaw ni Ambassador to the United States Jose Manuel Romualdez.

Aniya, sasagutin lahat ng Amerika ang magagastos ng mga Afghan nationals na dati nilang naging empleyado na tumakas mula sa Taliban na kasalukuyang may kontrol sa gobyerno ng Afghanistan.

Giit pa ni Ambassador Romualdez na magsisilbi lamang ang Pilipinas bilang pansamantalang lokasyon ng mga kawaning Afghan ng Amerika habang prinoproseso pa ang kanilang special immigration visa.

Lahat aniya ng Afghan nationals ay mapupunta sa Amerika kapag natapos na ang pagproseso ng kanilang mga immigration visa.

Binigyan diin din ng envoy na maliban sa kaalyado ng US ang Pilipinas, napili nito ang bansa dahil isa rin aniyang logical location ang ating Pilipinas dahil ang embahada ng US sa Maynila ay mayroong sapat na empleyado na makakatulong para sa pag-isyu ng mga visa ng Afghan nationals.

Saad pa nito na wala pang saktong bilang kung gaano karami ang Afghan nationals na darating sa bansa sakaling payagan ang mga ito ng gobyerno ng Pilipins subalit base aniya sa impormasyon na hawak nila, aabot sa 50,000 afghans kabilang ang kanilang mga pamilya ang ililipat sa Amerika.

Bukas naman para kay Romuladez ang isasagawang imbestigasyon ng Senate Committee on Foreign Relations na papangunahan ni Senator Imee Marcos bukas, Hunyo 16 para matukoy ang tunay na layunin ng Amerika sa request nito.

Una na ring sinabi ni Romualdez na ang naturang request ng Amerika ay ginawa noon pang Oktubre ng nakalipas na taon at sumailalim sa masusing pag-aaral sa loob ng ilang buwan.