Nakatakdang magsagawa ng trilateral meetings ang Pilipinas, Estados Unidos at Japan dito sa bansa at sa Amerika.
Kaugnay nito, nakatakdang dumating sa bansa sina US Secretary of State Anthony Blinken at Japan Foreign Minister Yoko Kamikawa para sa naturang pagpupulong na nakatuon sa pagpapalakas ng defense at economic ties ng 3 bansa bago ang isasagawang summit naman sa US sa susunod na linggo.
Si Blinken ang unang darating sa bansa sa araw ng Lunes, Marso 18 para sa bilateral talks kasama si Department of Foreign Affairs Sec. Enrique Manalo at iba pang senior PH officials bago ang nakatakdang trilateral ministerial meeting kasama si Kamikawa na idaraos sa Marso 20.
Ang isasagawang top-level meeting ay kasunod ng ilang serye ng tensiyon sa pagitan ng mga barko ng Pilipinas at China sa pinagtatalunang karagatan na kinondena ng PH kasama na ng US at Japan.
Samantala, nasa huling yugto na ng pagpaplano ang mga lide ng Japan, US at PH kaugnay sa summit meeting na gaganapin sa US sa Abril.