Malaki ang tiwala ng Philippine Triathlon Team na mapapanatili nito ang kanilang korona sa Southeast Asian Games sa ikatlong sunod na taon.

Ayon kay coach Melvin Fausto, magagawa ng Pilipinas na dominahin ang anim na events na kanilang lalahukan sa papalapit nang SEA Games.

Maging si Philippine Sports Commission (PSC) Chairman William “Butch” Ramirez ay naniniwala rin na magandang laban ang ihahandog ng Pinoy triathletes sa kanilang mga kakumpitensya.

Sina John Chicano at Andrew Kim Remolino ang kakatawan sa bansa sa men’s Triathlon individual competition, samantalang sina defending champion Kim Mangrobang at Kim Kilgroe ay lalahok para sa gold sa women’s individual event.

Sasabak naman sina Emmanuel Kimpan Comendador at Jarwyn Banatao sa men’s duathlon, habang sa distaff o women’s side naman sina Jelsie Sabado at Monica Torres.

Sina Chicano, Mangrobang, Kilgroe, Ma. Claire Adorna at Filipino-Spanish Fer Caseres ang tatampok sa mixed triathlon team ng bansa.

Babandera naman sina Commendador, Joey Delos Reyes, Monica Torres at Mary Pauline Fornea sa duathlon mixed team habang reserba naman si Efraim Hamadon Iñigo sa mixed duathlon event.