Target ng gobyerno ng Pilipinas na makakuha ng pinansiyal na suporta mula sa Estados Unidos para mapalakas ang kampaniya nito para malabanan ang korupsiyon at mapataas ang revenue generation ayon sa Department of Finance (DOF).
Ayon kay Finance Secretary Ralph G. Recto, maaaring makasuporta sa Pilipinas ang Millennium Challenge Corp. (MCC) na sinusuportahan ng US sa mahahalagang isyu gaya ng paglaban sa korupsiyon at pagpapataas ng revenue sa pamamagitan ng digitalization.
Dagdag pa dito, sinabi ni Sec. Recto na maaaring tumulong ang US aid agency sa mga proyektong pang-imprastruktura ng pamahalaan, pagpapalakas ng agricultural productivity para matugunan ang inflation at mapaunlad ang sektor ng edukasyon.
Matatandaan, noong Disyembre ipinagpatuloy ng naturang kompaniya ang engagement nito sa Maynila matapos mahinto ng 7 taon nang itinigili nito ang pagbibigay ng development grants sa bansa dahil sa mga isyu sa karapatang pantao sa ilalim noon ng Duterte administration.
Samantala, noong araw ng Huwebes, nakipagpulong si Sec. Recto kay Alice Albright, ang CEO ng naturang kompaniya kung saan tinalakay ang mga estratehiya para sa pagbuo at pagpapatupad ng mga programa na nakasentro sa pagtataguyod ng paglago ng ekonomiya at pagpapababa ng kahirapan sa bansa.
Ikinatuwa din ng kalihim ang naging desisyon ng kompaniya na ipagpatuloy ang engagement nito sa PH para makatanggap muli ng grants para suportahan ang mga proyekto na magbibigay ng economic at social transformation para sa lahat ng mga Pilipino.
Napag-alaman na nakatanggap noon ang PH ng $20.7 million threshold grant namula 2006 hanggang 2009 at $434 million na suporta sa pamamagitan ng Millennium Challenge Corp. first Compact grant na nagtapos noong 2016