Niratipikahan na ng Pilipinas ang World Trade Organization (WTO) agreement bilang pag-apruba sa 2022 Fisheries Subsidies Agreement (FSA) ayon sa Department of Trade and Industry.
Iprinisenta nina Trade Secretary Alfredo Pascual at Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. ang Instrument of Ratification ng bansa kay Director-General Ngozi Okonjo-Iweala noong Pebrero 27 sa Abu Dhabi, UAE sa isinagawang 13th WTO Ministerial Conference.
Pinagtibay ang naturang Fisheries Subsidies Agreement kasabay ng ika-12 WTO Ministerial Conference noong June 2022.
Ipapatupad ang naturang kasunduan sa oras na magratipika na ang 2/3 ng 164 member-countries ng WTO.
Ayon kay Trade Sec. Pascual, sa ilalim ng kasunduan pinapayagan ang mga miyembro na magbigay ng mga subsidiya para sa disaster relief sa ilalim ng ilang kondisyon para suportahan ang mga mangingisdang apektado ng mga kalamidad.
Mahalaga aniya ito para sa Pilipinas na isang climate-vulnerable country lalo na ang mga maliliit na mangingisda na matinding apektado sa malalakas na bagyo at tumataas na temperatura sa mga karagatan dulot ng climate change.