Nasa ika-18 pwesto ang Pilipinas mula sa 163 mga bansa pagdating sa paglaban sa terorismo at violent extremism.
Base sa latest Global Terrorism Index (GTI), sinabi ni DILG Secretary Benjamin ‘Benhur’ Abalos Jr. na ang improvement na ito ay ipinakita sa 23rd Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Senior Officers Meeting on Transnational Crime (SOMTC) at sa mga kaugnay pa na pagpupulong na ginanap sa Yogyakarta, Indonesia.
Sa nasabing mga pagpupulong, nagpalitan ang mga senior official mula sa ASEAN member states ng kanilang mga pananaw sa mga hamon sa transnational crime may kinalaman sa kani-kanilang mekanismo at areas of cooperation sa paglaban sa terorismo at violent extremism, cybercrime, illicit drug trafficking, illicit wildlife trafficking at trafficking in persons.
Ayon kay Abalos, ang nakuhang Global Terrorism Index ng Pilipinas ay nagpapakita ng kasalukuyang trajectory ng bansa sa paglaban sa terorismo kabilang ang matagal ng local insurgency.
Dagdag pa ng DILG chief na nananatiling committed ang gobyerno ng Pilipinas sa pagpapalakas ng ating local peace initiatives at good governance para sa pangmatagalang kapayapaan at komprehensibong seguridad gaya ng nilalayon sa 8-point agenda ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.