MANILA – Plano ng pamahalaan ng mag-advance order na ng “reagents” para hindi na maantala ang genome sequencing, na bahagi ng monitoring ng bansa laban sa mga variant ng SARS-CoV-2 virus.

Ayon kay Health Usec. Maria Rosario Vergeire, nagkasundo ang concerned agencies na mag-order na agad ng reagents dahil sa nagkakaubusang supply nito sa buong mundo.

“We have discussed this with the Philippine Genome Center (PGC) and UP-NIH (National Institute of Health), that we will be having advance procurement,” ani Vergeire sa isang media forum.

“So instead of just procuring 2-months worth of supply, we are now going to have this order for about 6 months… so that we can continue the process of sequencing.”

Nitong Sabado nang aminin ng DOH na 48 samples lang ang na-proseso ng PGC sa genome sequencing dahil sa global shortage ng reagents.

-- Advertisement --

Ginagamit ang reagent sa chemical analysis. Isa itong uri chemical substance na hinahalo sa samples para matukoy kung sila ba ay may tinamaan ng bagong virus variant.

Sa proseso ng genome sequencing natutukoy kung saan galing ang virus na tumama sa isang confirmed case.

Ayon kay Vergeire, nagkaroon ng delay sa delivery ng reagents noong nakaraang linggo.

Kaya ang regular na 750 samples na pino-proseso kada linggo ay binawasan muna sa 48 samples at pinroseso pamamagitan ng mas maliliit na makina.

“Right now we are using that, that’s why last Saturday we issued out results where 48 samples were only tested with these smaller machines.”

Hinihintay na lang daw ng DOH na ma-clear ng Bureau of Customs ang shipment ng reagents na dumating kagabi.

Bago matapos ang linggo inaasahan din daw na darating ang sequencing kits.

“We are fast-tracking the release of these reagents from Customs and hopefully we can already start the sequencing for 750 samples again.”

“Today we also have another 48 samples to be processed that is coming from CAR (Cordillera) contact tracing and other parts of the country.”

Ayon kay Vergeire, manggagaling sa Singapore at Estados Unidos ang reagents na bibilhin ng bansa para sa genome sequencing.