MANILA – Nilinaw ng Department of Health (DOH) na hindi ibabalik ng pamahalaan ang pagpapatupad ng travel ban kahit nadagdagan pa ang kaso ng UK variant sa bansa.

“Not at this time. It was agreed on and recommended by experts na we cannot be isolated na matagal from the rest of the world,” ani Health Usec. Maria Rosario Vergeire.

Simula Disyembre ng 2020, umabot sa higit 30 bansa, kabilang na ang China at Amerika, ang pinatawan ng travel ban dahil sa mga kaso nila ng mas nakakahawang variant ng COVID-19 virus.

Pero hindi na in-extend ng gobyerno ang naturang travel restriction na nagtapos noong January 30.

Kumpiyansa ang kagawaran na magiging epektibo ang iniliatag na “safeguards” ng pamahalaan para mapanatiling kontrolado ang kaso ng UK variant sa bansa.

-- Advertisement --

“Nakikita natin na nagwo-work na yung ating genomic biosurveillance; we were able to revise the protocol na mas nagkaroon tayo ng appropriate date of testing.”

“(And) we have encouraged local governments to strengthen their quarantine protocols.”

Ayon kay Vergeire, higit 70 bansa na ang nag-ulat ng kaso ng UK variant. Habang higit 30 ang may South African variant.

Dahil normal ang “mutation” o pagbabago ng anyo ng SARS-CoV-2 virus, posible raw talagang madagdagan pa ang mga bansang magkakaroon ng kaso ng mga bagong variant.

“If we can maintain our cases to just this manageable level, itong pagkalat ng transmission ay mapipigilan natin.”

Batay sa huling datos ng DOH, 44 na indibidwal na ang tinamaan ng UK variant sa Pilipinas.