Nanawagan sa ilang opisyal ng gobyerno ang grupo ng ilang eksperto na manatiling kalmado sa gitna ng panibagong issue sa pagitan ng Pilipinas at China.

Sa isang forum nitong araw, sinabi ni Center for People Empowerment in Governance executive director Bobby Tuazon na malalimang imbestigasyon lang ang susi para malutas ang sinasabing pagbangga ng Chinese vessel sa bangka ng mga Pilipinong mangingisda.

Bukod dito, kailangan din umanong ikonsidera ang estado ng nasa halos 300,000 OFWs na nagta-trabaho sa China.

“You have to be cautious and not right away act hastily. For instance, we have to consider the fact that in China today, there are 200,000 to 300,000 overseas Filipino workers.”

Nabahala naman si George Siy ng Federation of Filipino-Chinese Chambers of Commerce and Industries Inc. dahil sa posibilidad na makaapekto rin sa ekonomiya at kalakalan ng dalawang bansa ang bagong issue.

“We have to address these issues but we cannot also let them define the direction of where we are going.”

Habang para kay Rommel Banlaoi, executive director ng Center for Intelligence and National Security Studies, na responsibilidad din ng gobyerno na pakalmahin ang publiko ngayon dahil na rin sa naunang posisyon ng ilang defense at foreign affairs officials.