Hindi nababahala ang Malacañang sa benepisyong mawawala sa Pilipinas sa pag-terminate ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Visiting Forces Agreement (VFA).

Ngayong araw, pormal ng inihain ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang Notice of Termination sa US Embassy at magiging epektibo makalipas ang 180 araw.

Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo, panahon na para tumayo sa sariling paa at huwag lang aasa sa ibang bansa para mapalakas ang military capability ng Pilipinas.

Pero ayon kay Sec. Panelo, bukas ang Pilipinas sa pagpasok sa military alliance sa ibang bansa basta hindi dehado ang ating bansa.

Kabilang daw sa nagpahayag ng interes ang United Kingdom pero pag-aaralan pa ito at dadaan sa negosasyon.

-- Advertisement --

“Basta palaging pabor sa atin, basta kung mutual benefit to both countries, we are open. But the President, again, I will repeat, he said it’s about time we rely on ourselves. We will strengthen our own defenses and not rely on any other country,” ani Sec. Panelo.