Kinumpirma ng pamunuan ng Philippine National Police-General Hospital (PNP-GH) na may isang tauhan ng kanilang Chaplain Service ang nagpositibo sa COVID-19 (Coronavirus Disease 2019).

Ayon kay Major Duds Santos, PNP-GH, COVID-19 focal person, kasalukuyang naka-confine ang hindi pinangalang pulis sa St. Luke’s Medical Center.

Naging kritikal umano ang nasabing pulis noong mga nakaraang araw pero kahapon lang ay nakalabas na ng intensive care unit (ICU) at bumubuti na ang kalagayan.

Wala aniyang travel history ang pulis pero may nakasalamuha itong dalawang foreigner mula sa Europe tatlong linggo na ang nakararaan.

Sa datos ng PNP General Hospital, may pitong tauhan ng Chaplain Service ang nakasalamuha ng pulis pero itinuring sila agad bilang “person under monitoring” at sumailalim na rin sa quarantine noon pang March 8.

Sinabi ni Santos, cleared na sa ngayon ang pito matapos maging “asymptomatic.”

Samantala, ipinatutupad na ang Biosafety plan sa buong kampo ng PNP sa buong bansa para mapigilan ang mas pagkalat ng nakamamatay na virus.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay PNP spokesperson B/Gen. Bernard Banac, ang naturang plano ay kasunod ng naging rekomendasyon ng kanilang health service na siyang susundin ng lahat ng mga kampo.

Kabilang dito ang pagtayo ng decontamination procedure para sa mga personnel na labas-pasok sa kampo dahil sa kanilang duty.

Pinaiiral na rin ang lockdown sa buong kampo at may “work from home” set-up na ring inilatag para sa mga civilian employees ng PNP.

Suspendido na rin ang mga conference at meeting sa loob ng Kampo.

Sinabi ni Banac, virtual meetings na lamang ang kanilang isinasagawa sa ngayon para kanilang mapanatili ang social o physical distancing.

Sa kabilang dako, nasa 615 pulis ang itinuturing na “person under monitoring” (PUM).

Ito’y matapos silang ma-expose sa mga indibidwal na posibleng may COVID-19.

Ayon kay PNP Chief Gen. Archie Gamboa, mahigpit na mino-monitor ang kondisyon ng mga PUM gayundin ang nasa 45 nilang “persons under investigation (PUI).”

“We are instituting strict measures to prevent its spread among our back end and front line personnel, such as provision of minimum Personal Protective Equipment (PPE) for all frontline personnel,continous contact tracing and self quarantine, stringent social distancing including maximum use of teleconferencing of key leaders,” wika ni Gamboa.

Giit ni Gamboa, batid nila na may posibilidad na magkasakit ang mga pulis sa Luzon dahil na rin sa trabaho ng mga ito na nasa frontliner sa “enhanced community quarantine.”

“Be assured that Im doing everything in my power to provide you with all necessary support and resources to ensure your health and safety as you do your job in the best way possible. I expect all leaders at all levels to do the same for all personnel under their command,” pagtitiyak ng PNP chief.