-- Advertisements --

Hindi umano sapat ang pagtanggi lamang ng Panay Electric Company (PECO) na wala itong offshore companies bagkus hinamon itong maglabas ng kanilang ebidensiya na magpapatunay na wala itong mga tagong investments sa British Virgin Islands na kilalang taguan ng illegal funds at money laundering scheme.

Ayon kay Atty. Zafiro Lauron kung walang tinatago ang PECO ay madali itong makakahingi ng sertipikasyon sa Bahamas na wala silang mga investments gaya ng kanilang sinasabi.

“They can always ask for certification that they don’t have any deposit or investment in the Bahamas, the thing is– why can’t they do such move” pahayag ni Lauron.

Si Lauron ang unang nagbunyag ng pagkakaroon ng tatlong offshore companies ang PECO sa Bahamas na Costa Group Investments Ltd, Prime Rose Technology at Mega International Services na pawang nabuo noong taong 2000.

Nanindigan si Lauron na mas may basehan ang ipinalabas na report ng International Consortium of Investigative Journalists (ICU) na nagdedetalye ng mga binuksang offshore companies ng PECO sa Bahamas kung saan nakalista pa ang mga pangalan ng mga shareholder, company address at kung kailan naiset-up ang kumpanya.

Matagal na umanong iniuugnay sa PECO ang pagkakaroon ng offshore companies subalit palagian lamang ang kanilang pagtanggi.

“Now is the proper time , ipakita nila sa mga Ilonggo kung tunay na wala silang tinatago,” giit ni Lauron.

Ipinunto ni Lauron na sinumang mayamang tao ay maaaring magdeposito o mag-invest sa labas ng bansa subalit ang nakakaalarma umano ay kilala ang British Virgin Island na taguan ng mga illegal funds at karamihan sa mga nagdedeposito dito ay may tinatago.

Samantala, handa umano si Lauron na harapin ang bantang kaso laban sa kanya ng PECO dahil sa kanyang naging pagbubunyag sa offhore companies.

Aniya, nagtataka sya kung bakit nais siyang patahimikin gayong maaari namang sagutin ng PECO ang kanyang akusasyon.

“Don’t shoot the messenger.They threatened me with lawsuit, its ok, Its not the first time I blew the whistle. Ang ginagawa ko na ito ay tulong ko sa mga Ilonggo,” dagdag pa nito.

Una nang nagpasaklolo si Lauron sa Anti Money Laundering Council(AMLC) na imbestigahan ang nasabing mga offshore companies.

Iginiit nitong hindi simpleng usapin ang pagkakaroon ng mga investments ng PECO sa Bahamas dahil nakuha ito resulta ng naging overcharging sa loob ng maraming taon sa singil sa kuryente ng distribution utility nang ito pa ang nangangasiwa sa supply sa kuryente sa Iloilo City.