Aminado si Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Director General Aaron Aquino na siya ay naaalarma sa bilyong halaga ng mga iligal na droga na ipinupuslit sa bansa ng mga banyaga.
Ito’y kasunod sa pagkakasabat ng mga hinihinalaang shabu nuong Biyernes sa Manila port na nagkakahalaga ng P1.8 billion at nasa P1.1 billion naman na iligal na droga ang nasabat sa Ayala, Alabang sa Muntinlupa City nuong nakaraang linggo.
Tinukoy ni Aquino na ang notorious Golden Triangle syndicate ang nasa likod ng pagpuslit sa nasa P2.6 billion na illegal drugs sa bansa.
Sinabi ni Aquino na may kuneksiyon ang nasabat na iligal na droga sa Manila Port at sa Ayala Alabang.
Naniniwala ang opisyal na walang katapusan ang drug trafficking at smuggling sa bansa hangga’t walang death penalty na umiiral sa bansa.
Ibinunyag din ni Aquino na itong mga banyaga ay may kakayahan na magbayad sa mga judges, prosecutors at law enforcers para ang mga nahuling indibidwal ay maideport pabalik ng kanilang bansa.
Aniya, walang takot ang mga Chinese na miyembro ng sindikato na magpuslit ng iligal na droga sa bansa dahil alam nila na kaya nilang bayaran ang mga huwes at mga otoridad.
Nasabat ng PDEA ang nasabing mga kontrabando ay dahil sa impormasyon na ibinigay ng kanilang international counterpart mula sa Vietnam.