-- Advertisements --

Kailangan na sumailalim muna sa polymerase chain reaction (PCR) testing ang mga locally-stranded individuals (LSIs) bago payagang makabiyahe pauwi sa kanikanilang probinsya, ayon kay Iligan City Rep. Frederick Siao.

Dapat aniya ang gobyerno ang siyang gumastos sa PCR testing ng mga LSIs, na nagkakahalaga aniya ng P3,000 hanggang P8,000.


Mabigat aniya para sa mga LSIs ang naturang halaga, kahit pa iyong PCR test kits na gawa ng UP scientists ang gagamitin, na nagkakahalaga naman ng P2,700 hanggang P3,000, na hindi pa naman aniya available sa kasalukuyan.

Ayon kay Siao, maraming mga local government units ang “ill-equiped” para pangahawakan ang mga COVID-19 cases sa kanilang lugar, kaya mas mainam kung matiyak muna na negatibo sa sakit ang mga LSIs bago payagan na makauwi sa kanikanilang mga probinsya.

Samantala, hindi naman na aniya kailangan pang sumailalim sa quarantine period ang mga LSIs na nagnegatibo naman sa resulta ng PCR testing.

Kaya mahalaga ring magkaroon ng certification para sa mga nagnegatibo sa sakit sa halip na travel pass mula sa Philippine National Police para makatawid sa mga borders.