ILOILO CITY – Sinisigurado ng Philippine Coast Guard na hindi makakapasok sa Western Visayas ang mga barko na galing sa mga bansa na apektado ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19).
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Capt. Erlinda Benliro, deputy commander sang Coast Guard District Western Visayas, sinabi nito na kabilang sa binabantayan ng Philippine Coast Guard ay ang mga puwerto sa Aklan, Concepcion Iloilo, Iloilo International Port sa La Paz, Iloilo City at Semirara Antique kung saan dumadaong ang mga barko mula sa ibang bansa.
Ayon kay Benliro, nagtutulungan ang Philippine Coast Guard, Bureau of Customs, Bureau of Immigration at Bureau of Quarantine upang masigurado na hindi apektado ng coronavirus disease ang mga pasahero.
Ani Benliro, international port man o hindi, kailangan na sumuot ng surgical mask ang mga law enforcers upang hindi mahawa ng sakit.
Pahayag ng opisyal, kapag chinese-looking naman ang isang pasahero, sinisigurado muna ang kanyang travel history.
Sa ngayon, wala pang inilagay na thermal scanner ang Philippine Ports Authority sa mga puerto upang malaman kung may lagnat ang isang pasahero.










