Patay ang isang Philippine Coast Guard (PCG) rescuer matapos tangayin ng rumaragasang ilog sa kasagsagan ng search and rescue (SAR) operation sa Sitio Daeng, Barangay Halog East, Tubao, La Union, ngayong araw, ika-05 ng Setyembre 2023.
Ang naturang biktima ay kinilalang si CG Petty Officer Third Class (PO3) Ponciano Nesperos sa mga miyembro ng Special Operations Group-North Western Luzon (SOG-NWLZN) na rumesponde sa “drowning incident” sa Sitio Daeng kasabay ng nagpapatuloy na sama ng panahon.
Sa ulat, nangyari ang naturang insidente habang nagdadahan-dahang tumawid si Nesperos para i-secure ang “safety line” nang mawalan siya ng balanse at tuluyang tangayin ng rumaragasang tubig sa ilog.
Sinubukan pa siyang sagipin ng kaniyang mga kasamahan ngunit wala na siyang malay nang kanilang matagpuan kung kaya’t agad siyang isinugod sa pagamutan upang mabigyan ng tulong medikal ngunit idineklara na itong “dead on arrival”.
Agad itong ipinagbigay-alam ng PCG sa kanyang mga mahal sa buhay at patuloy ang koordinasyon upang maibigay ang kinakailangang tulong para sa kanila.
Samantala, lubos na pakikiramay naman ang ipinaabot ng buong PCG sa naulilang pamilya ni Nesperson na hanggang sa huling sandali ng kanyang buhay ay piniling isakatuparan ang sinumpaang tungkulin sa bayan.