ILOILO CITY- Magsasampa ng kasong kriminal ang Philippine Coast Guard (PCG) laban sa AC Energy na operator ng sumabog na power barge sa Bo. Obrero, Lapuz, Iloilo City na naging sanhi ng malawakang oil spill sa karagatan ng Iloilo at Guimaras.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Commander Johonsan Fabilane, deputy commander ng Philippine Coast Guard Legal Service at designated head ng PCG legal team, sinabi nito na nilabag ng AC Energy ang Section 11 ng Republic Act 8550 (The Philippine Fisheries Code of 1998) as ammended by Republic Act No. 10654 o “An Act to Prevent, Deter and Eliminate Illegal, Unreported and Unregulated Fishing.”
Ayon kay Fabilante, si Lieutenant Commander Joe Luviz Mercurio, PCG-Iloilo Station commander, ang tatayong complainant samantalang ang AC Energy ang direct respondent.
Pero sasampahan din ang presidente at plant manager dahil may direktang kontrol ang mga ito sa operasyon.
Kapag napatunayang may administrative liability, pagmumultahin ang korporasyon ng P300,000 hanggang P500,000.
Kapag naconvict sa korte, ang nasasakdal ay makukulong ng anim hanggang 12 taon.